--Ads--

Nagpaalala ang La Trinidad Municipal Police Station-Traffic Management Section sa publiko na nagnanais na kumuha ng driver’s license na umiwas sa mga “fixer.”

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Captain Mark Organo Botangen, sinabi niyang ilan sa mga motorista na kanilang nahuhuli ay may hawak ng pekeng driver’s license.

Ayon sa opisyal, karamihan sa mga gumagamit ng pekeng lisensya ay mga nakamotorsiklo, at ang kadalasang nakakasalubong nila ay mga mamamayan ng Cordilleran na gumagamit ng pekeng lisensya.

Gayunpaman, naniniwala siya na ang ilan sa kanila ay biktima lamang ng ‘scam’ na tumulong sa kanila.

Dahil dito, nagpaalala ito na iwasan ang mga nag-aalok ng tulong sa pagproseso ng lisensya lalo na kung mababa ang bayad, maikli ang oras ng paghihintay, at hindi pagpasa sa pagsusulit.

Aniya, huwag din agad maniwala sa mga nag-aalok ng proseso ng driver’s license online o sa social media dahil may mga tinatawag na online fixer.

Ayon sa opisyal, matutukoy ang mga pekeng lisensya kung nakatiklop, nakalamina, at malabo ang gilid ng lisensya o kumukupas ang print.

Hinihiling niya sa mga may intensyon na maging matiyaga sa pagdaan sa tamang proseso.

Samantala, ang mga may hawak ng pekeng driver’s license ay posibleng mahaharap sa kasong kriminal o administratibo o paglabag sa Republic Act 4136, na maaaring magresulta sa multang P3,000 at pagkakulong ng anim na buwan o higit pa, at maaari rin itong madiskuwalipika sa pagkuha ng lisensya sa loob ng halos isang taon. | via Bombo Noveh Organo