Humigit-kumulang 80 tagapagtaguyod ng “Bantay Basura” mula sa unang batch ang nanumpa kamakailan sa La Trinidad, Benguet.
Ang programa ay naglalayong bigyan sila ng pormal na awtorisasyon upang ipatupad ang iba’t ibang regulasyon ng munisipyo, partikular na sa waste segregation, anti-littering, at iba pang patakaran sa pangangalaga ng kapaligiran.
Bukod dito, sumailalim din sila sa pagsasanay bilang paghahanda sa kanilang tungkulin sa pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan.
Ayon kay Mayor Roderick Awingan, ang naturang pagsasanay ay bahagi ng programa ng Municipal Ordinance Enforcers.
Sinabi ng alkalde na dati nang isinagawa ang kaparehong pagsasanay para sa mga pulis at barangay tanod, at ito ay isang patuloy na programa para sa lahat ng sektor na kasangkot sa pagpapatupad ng mga ordinansa.
Dagdag pa niya, bagama’t awtomatikong deputized enforcers ang mga pulis at barangay tanod, isinailalim pa rin sila sa pagsasanay upang maging pamilyar sa iba’t ibang ordinansa ng munisipyo.
Iginiit din ng alkalde na tuloy-tuloy ang programa, lalo na sa pagtugon sa lumalalang problema sa basura sa bayan. | via Bombo Noveh Organo











