--Ads--

Sinampahan ng kaso ang isang 27-anyos na lalaki matapos umano nitong saktan ang isang miyembro ng Public Order and Safety Division (POSD) sa harap ng isang hotel sa Barangay Malcolm, Baguio City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nagsasagawa ng anti-peddling operation ang mga awtoridad sa Lower Session Road nang mapansin ang mga gulay na nakalagay sa mga kahon sa sidewalk na pagmamay-ari ng ilang ambulant vendor. Kinumpiska ng isang miyembro ng POSD ang mga nasabing paninda alinsunod sa umiiral na ordinansa.

Gayunman, bigla umanong nanlaban ang suspek na nagresulta sa pagkalat ng mga gulay at nauwi sa mainitang pagtatalo sa pagitan ng dalawa.

Sa gitna ng insidente, agresibong hinablot ng lalaki ang kanyang mga paninda at ikinaway ang kamay na tumama sa mukha ng biktima.

Matapos ang pananakit, agad umanong tumakas ang suspek nang mapansing may papalapit na pulis.

Nahaharap ngayon ang lalaki sa kasong paglabag sa Article 148 ng Revised Penal Code o Direct Assault upon an Agent of a Person in Authority. | via Bombo Noveh Organo