--Ads--

BAGUIO CITY – Umakyat na sa isang libong ektarya ng kagubatan sa rehiyon Cordillera partikular sa lungsod ng Baguio at probinsiya ng Benguet ang nasunog ngayong buwan lamang ng Pebrero.

Naitala ang pitong forest fire sa probinsiya ng Benguet partikular sa munisipyo ng Bokod, Tuba, Itogon at Kabayan.

Naitala naman ang isang insidente ng forest fire sa lungsod ng Baguio kaninang umaga partikular sa Barangay Springhills, Loakan-Apugan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Jannelle Manuel Daniel, Chief of Public Information ng Bureau of Fire Protection – Cordillera, patuloy pa rin ang kanilang isinasagawang ground fire suppression at aerial fire suppresion gamit ang Bambi bucket system sa mga nasabing forest fire.

Inamin naman niya na malaking hamon sa kanilang opisina ang geographical area ng mga nasabing lugar dahil karamihan sa mga ito ay matataas ang kanilang lokasyon at hindi ito maabot ng fire truck.

Dahil dito, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Philippine airforce at ibat-iba pang ahensiya ng gobyero para sa agarang pagresponde sa mga forest fire gamit ang helikopter.

Samantala, nagbabala naman si Senior Fire Officer 3 Orvil Bumacas, Chief Operations ng Tuba Fire Station sa mga apektadong residente na agad lumikas para mailayo ang mga ito sa kapahamakan.

Aniya, patuloy pa rin kanilang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng malawakang forest fire.

Kaugnay nito, nagbabala naman si Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa mga residente at turista na magsuot ng facemask para maprotektahan ang mga ito laban sa usok na nanggagaling sa sunog na posibleng maging sanhi ng asthma at iba pang respiratory illness.