Pinapangarap ng Pamahalaang Lungsod sa ilalim ni Mayor Benjamin Magalong na alisin ang magulong at delikadong ‘spaghetti’ at nakabitin na kable sa Summer Capital pagsapit ng 2028.
Ayon kay Darryl Kim Longid, hepe ng Public Order and Safety Division, katuwang ang ilang telecom companies, patuloy ang year-round campaign para alisin, buuin, o ayusin ang luma at magulong kable lalo na sa central business district ng lungsod.
Inihayag ni Longid na higit 80 porsyento ng kable sa CBD at limang porsyento sa 128 barangay ng lungsod ay naalis na. Inaasahan niyang aabutin ng dalawa pang taon bago tuluyang malutas ang problema.
Kasabay nito, mahigpit pa rin na ipinatutupad ng POSD ang Smoke-Free Ordinance, Anti-Road Obstruction, at Anti-Peddling ordinances, habang patuloy ang inspeksyon sa pampublikong pamilihan at night market upang mapanatili ang kaayusan.











