--Ads--

Ipinaliwanag ni Florentino Daynos, lider ng isang anti-mining group, na pribado ang mga barikada na kanilang itinayo, ngunit ayon sa kanya, ayaw itong kilalanin ng korte.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Daynos, sinabi niya na nagsumite sila ng Motion for Joint Relocation Survey upang matukoy kung pampubliko o pribadong kalsada ang tinatayuan ng gusali, ngunit tinanggihan ito ng hukuman.

Ayon kay Daynos, mayroong trespassing ang mga kumpanya sa kanilang lugar, na naging dahilan ng tensyon. Pinuna rin niya ang kakulangan ng suporta mula sa ilang lokal na opisyal, na hindi umano naramdaman ng grupo kahit sa panahon ng kanilang pagkakakulong. Binanggit niya na pakiramdam nila ay naulila sa suporta ng pamahalaang lokal.

Gayunpaman, naniniwala si Daynos na may malaking laban sila dahil sa pagkakaisa ng kanilang mga tagasuporta, at dahil umano ang isyu ay nakikita na rin ng International Commission on Human Rights, Senado, at Kongreso.

Aniya, ang kanilang aksyon ay bahagi ng patuloy na pagsisikap na ipagtanggol ang karapatan ng komunidad laban sa mining activities sa lugar. | via Bombo Karen Sapirao