--Ads--

Naramdaman din ang pagyanig sa munisipyo ng Itogon, Benguet dulot ng lindol na naganap kahapon, alas-2:34 ng hapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Engr. Cyril Batcagan, hepe ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Itogon, kinumpirma niyang naramdaman nila ang pagyanig sa kanilang tanggapan. Dahil dito, agad silang nakipagpulong sa mga opisyal ng munisipyo at sinuspinde ang trabaho simula alas-3:00 ng hapon kahapon.

Ayon kay Batcagan, kapansin-pansin ang stress at takot sa mga empleyado matapos ang pagyanig kaya minabuting itigil muna ang operasyon sa tanggapan.

Nang tanungin hinggil sa kalagayan ng mga minero at sa mga hakbang na ipinatutupad para sa kanilang kaligtasan, sinabi niyang patuloy nilang sinusuri ang sitwasyon. Aniya, wala naman silang naitalang insidente ng pagkakatabon sa loob ng mga minahan at ligtas namang nakalalabas ang mga minero.

Ibinahagi rin ni Batcagan na mas marami na ngayong mga minero mula sa labas ng Itogon ang nagtatrabaho sa lugar kaysa sa mga residenteng taga-Itogon.