--Ads--

BAGUIO CITY – Ipinagmalaki ni One Championship Bantamweight fighter Jeremy Pacatiw ang magandang kondisyon nito isang araw bago ang nakatakdang laban nito kontra kay Chinese striker Wang Shou sa Bangkok, Thailand bukas, Abril sais.

Sa panayam ng Bombo Radyo sa Cordilleran wushu standout, gigil na itong makabalik sa ibabaw ng octagon matapos ang mahigit isang taon na lay-off sa Mixed Martial Arts.

Aniya, mahigpit nilang pinag-aralan ang galaw at istilo ng kanyang kalaban kaya lalo pa nilang tinutukan ang kanyang conditioning at strengthening para hindi ito mawalan ng hangin sa loob ng 3 rounds na laban.

Ayon pa sa Igorot striker na si Pacatiw, napakalaking tulong sa kanyang training camp ang kanyang mga ka- team mate sa Lions Nation MMA dahil mga former world mma champions ang mga ito tulad nila Honorio Banario, Kevin Belingon at current One Strawweight Champion na si Joshua Pacio.

Magsisilbing cornerman at head coach ni Pacatiw sa kanyang laban si former two time One Lightweight World Champion Eduard Folayang.

Sa ngayon ay nasa Thailand na si Pacatiw para sa kanyang naturang laban kung saan hindi naman siya nahirapan na magbawas ng timbang para maabot ang 145lbs weight limit.

Matatandaan na huling lumaban ang pinoy fighter noong Disyembre 3, 2022 kung saan tinalo niya si Tial Thang ng Myanmar sa pamamagitan ng Triangle Choke.