--Ads--

BAGUIO CITY – Muling nagpaalala ang lokal na pamahalaan sa mga pamilyang nagbabalak magbakasyon sa mga beach resort, swimming pool at ilog na mag-ingat para maiwasan ang anumang insidente.

Ito ay matapos kumpirmahin ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong at La Trinidad, Benguet Mayor Romeo Salda na may apat nang taga-Baguio at tatlong taga-Benguet nalunod sa magkakahiwalay na beach resort sa La Union ngayong buwan.

Unang naiulat ang pagkamatay ng isang 3rd year criminology student na si Emerson Santiban Batanes, residente ng Central Buyagan, La Trinidad, Benguet matapos malunod sa Brgy. Baccuit Norte, Bauang, La Union.

Sumunod naman na nalunod ang mag-amang sina George Gines, 67-anyos at Geosa Gines-Osillo, 26-anyos, residente ng Bakakeng, Baguio City sa Brgy. Baccuit Sur, Bauang, La Union.

At kahapon lamang ay may apat na namang indibidual mula Baguio City at La Trinidad, Benguet na nalunod sa magkahiwalay na beach sa La Union partikular sa Taberna, Bauang at Dalupinas Oeste, San Fernando City.

Nakilala ang mga ito na sina Ian Christopher Atolba Y Caluza, 21-anyos, residente ng Imelda Village, Brookside, Baguio City, John Rey Sanggiao, 21-anyos at Rogelio Bitayan, 19 na parehong residente ng La Trinidad, Benguet at ang labing isang taong gulang na babai na pinaghahanap pa hanggang ngayon.

Sa ngayon ay naiuwi na ang bangkay ng tatlong indibidual na huling naiulat na nalunod sa magkahiwalay na beach sa La Union.