--Ads--

Nagpalabas ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) sa pamumuno ni Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, laban sa may-ari at driver ng isang Toyota Fortuner kaugnay ng isang insidente ng road rage sa Baguio City at naging viral sa social media.

Batay sa paunang imbestigasyon, makikita ang agresibong asal ng driver ng Toyota Fortuner laban sa isang parking attendant—isang kilos na malinaw na nagdulot ng panganib at paglabag sa inaasahang asal ng isang responsableng motorista.

Alinsunod sa inilabas na Show Cause Order, inaatasan ang rehistradong may-ari at ang driver ng nasabing sasakyan na humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO sa Enero 8, 2026 (Huwebes).

Inaatasan din silang magsumite ng verified o sinumpaang salaysay bago ang itinakdang petsa upang ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat managot sa administratibong kaso, kabilang ang posibleng deklarasyon bilang Improper Person to Operate a Motor Vehicle.

Samantala, inilagay ng LTO sa ALARM status ang Toyota Fortuner habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Sinuspinde rin ng ahensya ang lisensya ng driver sa loob ng siyamnapung (90) araw at inatasang agad itong isuko sa LTO-IID.

Binigyang-diin ni Asec. Lacanilao ang kahalagahan ng pagpapanatili ng disiplina at kahinahunan sa kalsada: “Isa na naman itong paalala na dapat iwasan ng lahat ang init ng ulo sa kalsada.

Ang lansangan ay isang pampublikong lugar na dapat panatilihin ang kaligtasan ng bawat isa—hindi ito lugar para sa galit o pagiging agresibo”.

Dinagdag pa ng LTO Chief na: “Ang lisensya sa pagmamaneho ay isang pribilehiyo at hindi isang karapatan. Sinuman na mapatunayang hindi kayang magmaneho nang may disiplina, paggalang, at pananagutan ay maaaring mawalan ng pribilehiyong ito anumang oras. Determinado ang LTO na panatilihin ang kaayusan at kaligtasan sa ating mga kalsada.”