--Ads--

Inihayag ni Orlando Marquez, national president ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas, na nakakalungkot at masakit umano ang kasalukuyang sitwasyon.

Ito ay kasunod ng panibagong pagtaas ng presyo ng mga petroleum products sa Pilipinas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio, sinabi ni Marquez na tila hindi na umano umiiral ang Oil Deregulation Law sa bansa. Ayon sa kanya, sa halip na makatulong, nagiging “gatasan” na lamang umano ng mga oil companies ang taumbayan.

Kinuwestiyon din ni Marquez kung bakit, sa kabila ng pahayag ng kalihim ng Department of Energy (DOE) na may sapat na stockpile ng langis ang Pilipinas, ay agad na tumaas ang presyo ng produktong petrolyo sa bansa dalawang araw hanggang isang linggo matapos ideklara ang giyera sa ibang bansa.

Dahil dito, sinabi ni Marquez na labis siyang nalulungkot sa aniya’y pagiging “napakasalabusab” ng ilang oil companies.

Tinawag naman ni Marquez na “band-aid solution” lamang ang ibinibigay na subsidy. Aniya, mabilis lang din itong mauubos. Dagdag pa niya, malaking tulong sana kung pansamantalang masuspinde ang excise tax sa langis.

Sa kasalukuyan, marami na umanong miyembro ng transport sector sa Maynila at sa Region 1 ang tumigil sa pamamasada at ipinarada na lamang ang kanilang mga jeepney dahil wala na silang kinikita.

Ayon kay Marquez, malaking bagay man ang ayuda, ngunit matapos lamang ang isa o dalawang araw ay mauubos din ito. Para umano itong suhol na pansamantalang ibinibigay.

Dahil dito, muli niyang hiniling na suspindihin ang Oil Deregulation Law.