Kanselado ang Lucky Summer Visitor’s Program ng Baguio Correspondents and Broadcasters Club o BCBC ngayong Holy Week.
Ito ay bunsod ng pagpanaw ng beteranong photographer na si Rodolfo “Ompong” Ong Tan at photojournalist na si Neil Clark Pascual Ongchangco, na tinangay ng malakas na agos ng ilog sa Itogon, Benguet.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dionisio Dennis, presidente ng nasabing organisasyon, sinabi nitong hindi angkop na magdaos ng kasiyahan sa gitna ng nangyaring trahedya.
Ayon pa sa kanya, ito rin ay bahagi ng pangangailangang magtipid ng enerhiya sa Pilipinas.
Aniya, nakahanda na sana ang taunang programa ngunit napagdesisyunan ng karamihan na miyembro ng organisasyon na kanselahin ito dahil sa nasabing insidente.
Gayunpaman, isasagawa pa rin ang tradisyunal na ritual na “Daw-es” sa Miyerkules, pati na ang iba pang aktibidad ng media camp sa Burnham Park sa Baguio City.








