--Ads--

BAGUIO CITY –  Ipapatawag ng Baguio City Council ang mag-asawang Discaya ng St. Gerard Construction para humarap at magpaliwanag sa kalagayan ng Tennis Court at parking area project ng lungsod, sa council session na gaganapin sa susunod na linggo.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Vice Mayor Faustino Olowan na mahalaga ang naturang pagpupulong upang malinawan ang mga residente at ang lokal na pamahalaan hinggil sa kanilang natapos sa proyekto, mga hindi pa nagagawa, at mga dapat pang tapusin.

Aniya, ang nasabing inquiry ay bukas sa publiko.

“Pag-uusapan namin sa speaker session bukas para ma-invite sila at ma-enlighten ang ating mga kababayan at city government kung ano na ba ang nagawa nila, ano pa ang kulang at ano ang dapat pang gawin para sa kaalaman ng publiko,” ani Olowan.

Bukod sa kontratista, iimbitahan din ng konseho ang City Buildings and Architecture Office (CBAO) na pinamumunuan ni Architect Johnny Degay para ipaliwanag ang kasalukuyang estado ng proyekto, target na completion date, at kung kailan ito magagamit ng publiko.

Ayon kay Olowan, ang desisyon na ipatawag ang mga Discaya ay bunsod ng matinding interes ng publiko at batikos sa social media.

“Marami ang nagtatanong, bumabatikos, at nagpo-post online, so once in for all, maganda rin na makita natin,” dagdag niya.

Inamin din ng bise alkalde na naging mas sensitibo ang isyu dahil nasangkot ang St. Gerard Construction sa kontrobersiya ng flood control project ng DPWH.

“Infairness sa St. Gerard, marami silang proyekto pero naging issue ang project nila sa Baguio City noong lumabas ang isyu sa flood control controversy na project ng DPWH in which they are involved,” saad pa ni Olowan.

Base sa rekord, noong Setyembre 14, 2022 ay napili at ipinagkaloob sa St. Gerard Construction ang kontrata para sa tennis court project matapos nilang maghain ng lowest complying and responsive bid na nagkakahalaga ng ₱110,067,352.62.

Nilagdaan naman ang kontrata  noong Oktubre 6, 2022.

Umaani ito ng batikos dahil ibinigay ng lokal na pamahalaan ang kontrata kina Discaya sa kabila umano ng negatibong rekord ng mga ito, hindi maayos ang kanilang trabaho at may mga hindi pa natatapos sa proyekto.

Sa kabila nito, iginiit ng City Bids and Awards Committee (BAC) at ng CBAO na ang proyekto ay sumunod sa tamang bidding at implementation at monitoring.

Iginiit naman ni Mayor Benjamin Magalong na walang anomalya sa pagkapili ng  St. Gerard at bukas ito sa anumang imbestigasyon hinggil sa nasabing proyekto.

Sa katunayan, hiniling pa nito sa Baguio City Council na magsagawa ng independent probe sa nasabing usapin.

Progreso ng Proyekto

Mula Disyembre 14, 2022 hanggang Setyembre 8, 2025, umabot na sa 94% ang progreso ng proyekto, na orihinal na nakatakdang matapos noong Disyembre 2024.

Ayon sa CBAO, nagkaroon ng variation works gaya ng konstruksyon ng pickleball court, pagbili at pag-install ng generator sets, automatic pumps, at upgraded lighting facilities.

Dahil dito, tumaas ang contract cost sa ₱114,875,327.59 at pinalawig ang project duration mula 470 hanggang 836 araw.

Liquidated Damages at Withheld Payments

Dahil sa mga pagkaantala, umabot na sa ₱4,924,154.43 ang total liquidated damages at ₱8,767,044.20 ang retention cost. Sa kabuuan, ₱26,249,012.35 ang na-withhold ng pamahalaang lungsod mula sa kontratista dahil sa unperformed works at penalties.

Transparency

Samantala, inatasan ni Mayor Benjamin Magalong ang mga opisyal ng lungsod na tiyakin ang pagbubukas ng lahat ng dokumento kaugnay ng proyekto sa sinumang nais magsuri nito.