Binaril at napatay ang dalawang lalaki sa Sitio Nagtupacan, Barangay Isit, Dolores, Abra noong Huwebes ng umaga.
Kinilala ang mga biktima na magkapatid na sina Michael Galera Millare, 29, at Sherwin Galera Millare, 25. Natagpuan ang kanilang mga bangkay bandang alas-6 ng umaga noong Huwebes.
Ayon sa Cordillera Police, kapwa nagtamo ng maraming tama ng bala ang mga biktima.
Si Michael ay walang trabaho at naninirahan kasama ang kanyang kinakasama, habang si Sherwin naman ay isang magsasaka at may asawa.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, sakay ang magkapatid ng isang Honda XRM na motorsiklo na walang plaka at patungo umano sa isang malapit na ilog nang pagbabarilin sila ng mga hindi pa nakikilalang armadong lalaki.
Ayon sa mga residente sa lugar, nakarinig sila ng mga putok ng baril ngunit hindi agad nakapag-ulat sa mga awtoridad.
Isang concerned citizen ang nakadiskubre sa mga bangkay habang pauwi at agad na ipinaalam ang insidente sa mga awtoridad. Kaagad namang nagsagawa ng imbestigasyon ang Abra Provincial Forensic Unit at ang pulisya.
Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon at hindi pa rin nakikilala ang mga suspek sa pamamaril.











