--Ads--

BAGUIO CITY – Kasabay ng nagpapatuloy na epekto ng habagat na nagdudulot ng iba’t ibang suliranin, kabilang ang paglala ng mental health ng ilang residente, magsasagawa ng tatlong araw na libreng Bible lecture ang isang relihiyosong organisasyon upang maghatid ng pag-asa at inspirasyon sa publiko, na magsisimula ngayong araw sa Wangal Sports Complex, La Trinidad, Benguet.

Sa isang press conference kahapon, sinabi ni Wilson Utayde, tagapagsalita ng Jehovah’s Witnesses, na ang pagtitipon ay bahagi ng kanilang Regional Convention na may temang “Dalisay na Pagsamba” (“Pure Worship”).

Isasagawa ito sa limang serye gamit ang wikang Iloko, Tagalog at Kankanaey, at inaasahang dadaluhan ng mahigit 10,000 delegado mula sa Baguio at Benguet. Ayon kay Utayde, ito ay isang makabuluhang okasyong pang-espiritwal para sa lahat ng sektor ng lipunan—lalo na sa mga nahaharap sa matinding pagsubok sa buhay, mga nasalanta ng kalamidad, o mga dumaranas ng depresyon.

“Ito ay libre at bukas para sa lahat. Makapagbibigay ito ng pag-asa at inspirasyon sa ating mga kababayan sa gitna ng mga mapagsubok na panahon,” pahayag ni Utayde.

Ang unang serye ay gaganapin simula ngayon Agosto 1–3 (Iloko), kasunod ng Agosto 8–10 (Iloko), Agosto 15–17 (Kankanaey), Agosto 22–24 (Iloko), at Agosto 29–31 (Tagalog), lahat sa parehong venue sa Wangal Sports Complex.

Samantala, ipinaliwanag naman ni Marvin Domigsi, Program and Languages In-charge, na ang kombensiyon sa Benguet ay bahagi lamang ng kabuuang 172 regional conventions na isinasagawa sa mahigit 90 lungsod at munisipalidad sa buong bansa, gamit ang 40 wika, kabilang ang Filipino Sign Language (FSL).

Nagsimula ang mga aktibidad noong Mayo 23, 2025, at matatapos ito sa Setyembre 7, 2025, sa loob ng 16 na magkakasunod na weekends. Sa loob ng tatlong araw ng kombensiyon, tampok dito ang serye ng Bible-based talks, mga panayam, at edukasyonal na video presentations.

Tatalakayin ang kahulugan at halaga ng “dalisay na pagsamba,” at ipapalabas ang isang video drama tungkol kay Jesus—kung paano niya hinarap ang mga tukso, ipinakita ang kaniyang mga prayoridad, at kung paano natupad ang mga hula tungkol sa kaniya.

Tampok din ang isang natatanging pahayag tuwing Linggo tungkol sa kung bakit nga ba naniniwala ang isang tao sa kaniyang pinaniniwalaan.

Ang bawat sesyon ay magsisimula ng 9:20 AM at matatapos bandang 4:00–5:00 PM.

Kung sakali mang magkakaroon ng banta sa kalagayan ng panahon ay tiniyak nito na nakahanda na rin and kanilang streaming platform para maipagpatuloy pa rin ang kombension sa virtual na paraan.

Dito rin daw pwedeng mag-konek ang mga indibidwal na may malubhang kalagayan ng kalusugan na hindi makakadalo ng personal.

“Sa panahong ito na puno ng kaguluhan at mga personal na suliranin, layunin ng kombensiyong ito na ituro kung paano harapin ang mga hamon sa positibong paraan. Bukas ito para sa lahat, anuman ang antas sa buhay. Ang karagdagang impormasyon tungkol dito ay makikita sa JW.org, hanapin lamang ang seksyon ng “Convention”, dagdag pa ni Utayde.