Tinatayang dalawang daang kaso ng multiple claimants sa mga puwesto sa Maharlika Livelihood Center ang nireresolba ng lokal na pamahalaan ng Baguio bilang bahagi ng pagpapatupad ng polisiya na “one person, one position.”
Ayon kay Assistant City Treasurer Fernando Ragma Jr., inaasahang mareresolba ang 53 na kaso. Layunin ng pamahalaang lungsod na matukoy ang aktwal na bilang ng mga lehitimong stallholder at mapigilan ang malawakang sub-leasing.
Noong nasa ilalim pa ng HSDC ang pamamahala ng sentro, humigit-kumulang 960 lessee o nangungupahan ang naitala. Gayunman, base sa isinagawang imbentaryo ng lungsod, mahigit 600 lamang ang aktwal na lehitimong nangungupahan.
Ayon kay Ragma, ang malaking diperensiya ay dahil sa mga kaso ng magkakaagaw sa iisang puwesto at sa paghahati-hati ng malalaking stalls na inuupahan din ng iba.
Binalaan ni Ragma ang mga nangungupahan na hintayin ang pinal na desisyon ng transition committee. Sa ngayon, nananatili ang status quo habang patuloy na nireresolba ang mga alitan.
Aniya, ibabatay ang desisyon sa konkretong ebidensya, kabilang ang aktwal na pananakop sa puwesto at ang maayos na pagbabayad ng upa.






