BAGUIO CITY – Aabot sa 26,443 na examinees sa Luzon ang inaasahang lalahok sa Philippine Military Academy Entrance Examination mula Setyembre 24 hanggang Setyembre 25 sa dalawampu’t-apat na (24) testing centers.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Lt. Col. Mark Anthony Ruelos, Public Information Officer ng PMA, mahigit 35,000 ang nag-aplay para sa nasabing eksaminasyon.
Naunang dumaan sa eksaminasyon ang 6,739 na aplikante mula sa labing-apat na testing centers sa Mindanao noong Agosto 27 at Agosto 28 taong kasalukuyan.
Samantala, aabot naman sa 2,705 na aplikante ang nag-exam sa Visayas Region noong Setyembre 10 at Setyembre 11.
Sa kabila nito, ipinaliwanag ng opisyal na sa kabuuang 35,000 na examinees ay 350 lamang sa kanila ang papalaring makapasok sa akademiya.
Ang nasabing bilang ang bubuo sa PMA Class of 2027.
Samantala, iginiit naman ni Lt. Col Ruelos na mandatory ang pagsusuot ng facemask sa loob ng akademiya sa kabila ng utos ni President Ferdinand Marcos Jr. na hindi na ito kailangan sa mga outdoor areas.
Dahil dito, pinaalalahanan ng opisyal ang mga turista na mahigpit na sundin ang mga health protocols sa pagpasok at pamamasyal sa akademiya.
Ayon pa sa opisyal, nais nilang protektahan ang mga kadete mula sa iba’t-ibang uri ng sakit lalo na sa COVID-19.