--Ads--

BAGUIO CITY – Sa bisa ng isang buy-bust operation sa Barangay Irisan, Baguio City noong Pebrero 26, 2025, nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Agency-Cordillera (PDEA-CAR) Baguio/Benguet Provincial Office ang tinatayang 125 gramo ng methamphetamine hydrochloride o shabu na may halagang Php 850,000.00.

Arestado rin sa operasyon ang isang 29-anyos na lalaki mula sa Buguey, Cagayan Valley matapos siyang mahuling nagbebenta ng dalawang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang ilegal na droga.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA-CAR ang suspek habang inihahanda ang kaso laban sa kanya para sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, pinuri ni Regional Director Derrick Arnold C. Carreon ang matagumpay na operasyon at kinilala ang mahalagang suporta ng Philippine Air Force’s (PAF) Tactical Operation Wing Northern Luzon sa pagsasakatuparan ng inter-agency collaboration na ito laban sa iligal na droga.