--Ads--

Umabot sa ₱10.63 milyong halaga ng marijuana plants ang binunot at sinunog ng mga awtoridad sa isinagawang marijuana eradication campaign noong Enero 27 hanggang 28, 2026 sa Sitio Les-eng at Sitio Batangan, Barangay Tacadang, bayan ng Kibungan, Benguet.

Ang operasyon ay pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency–Cordillera (PDEA-CAR) katuwang ang National Bureau of Investigation–CAR (NBI-CAR), Benguet Highway Patrol Group, at Kibungan Municipal Police Station.

Sa kabuuan, nadiskubre ng mga awtoridad ang taniman ng marijuana sa humigit-kumulang 7,150 metro kuwadradong lupain. Aabot sa 53,650 na fully-grown marijuana plants, na itinanim sa labinlimang (15) magkakahiwalay na taniman, ang sinunog sa mismong lugar.

Wala namang naaresto sa isinagawang operasyon. Gayunman, tiniyak ng mga kinauukulang ahensya na patuloy ang kanilang koordinasyon at imbestigasyon upang matukoy ang may-ari ng lupa at ang mga responsable sa pagtatanim ng marijuana.

Ayon sa PDEA-CAR, bahagi ito ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan upang putulin ang supply chain ng iligal na droga sa lalawigan ng Benguet at mapanatili ang kaligtasan ng mga komunidad.