--Ads--

Iginiit ng Malacañang na hindi simpleng kasong grave threats ang kinahaharap ni Vice President Sara Duterte kundi isang usapin ng national security, dahil ang umano’y mga pinagbantaan ay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na hindi katanggap-tanggap ang depensa na ang mga naging pahayag ni Duterte sa isang livestream noong Nobyembre 2024 ay simpleng tugon lamang sa mga tanong.

Ayon kay Castro, nagiging ganap ang kasong grave threats kapag nalaman ng pinagbantaan ang pagbabanta. Iginiit din niyang hindi itinanggi ng kampo ni Duterte ang mga pahayag ng Bise Presidente, kundi sinubukan lamang umanong bigyang-katwiran ang mga ito.

Dagdag ni Castro, nasa kampo na ni Duterte ang pananagutang patunayan ang kanilang mga paliwanag sa naturang mga pahayag.