--Ads--

Muling nagsalita si Mario “Mar” Valbuena Jr., presidente ng transport group na MANIBELA, laban kay PBGen. Glenn G. Dumlao (Ret.), Regional Director ng DOTr-CAR.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Valbuena na bibigyan niya si Dumlao ng pagkakataong maging “disente.” Ito ay kasunod ng pahayag ni Dumlao na dapat maging disente, maayos, at mahinahon si Valbuena sa pagpapahayag ng mga alegasyon, dahil hindi umano lahat ng tao ay mabait at maaaring hindi nito alam kung saan hahantong ang kaniyang mga sinasabi.

Ayon kay Valbuena, bagama’t palamura umano siya at maka-Diyos naman si Dumlao, hindi niya itinuturing na masamang tao ang opisyal at wala umano itong pinatay na kahit isang tao.

Iginiit ni Valbuena na sinasabi lamang niya ang katotohanan. Sa halip umano na pagbantaan ang kaniyang buhay, sinabi niyang mas nais niyang marinig mula kay Dumlao ang panawagan na imbestigahan ang mga alegasyon laban sa kaniyang mga “bata.”

Tinanong din ni Valbuena kung bakit umano agad nagagalit si Dumlao sa mga pahayag niya. Gayunman, sinabi niyang nauunawaan niya ang reaksiyon ng opisyal dahil mahirap umano ang mga alegasyong ibinabato laban dito.

Naglahad din si Valbuena ng iba pang alegasyon laban kay Dumlao. Ayon sa kaniya, marami umanong isyung ibinabato sa kaniya ang opisyal. Nalaman din umano niya na may mga tourist van na mag-a-apply ng amnesty, na pinaghihinalaan niyang hinihintay ng DOTr-CAR.

Hinamon din ni Valbuena si Dumlao na sabihin kung mayroon itong tinanggap na kahit “singkong duling” kaugnay ng mga usaping kaniyang inilalantad.

Muli rin niyang hinamon si DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Lopez na tanggalin ang mga opisyal na sangkot umano sa isyu upang magkaroon ng transparency at patas na imbestigasyon sa mga nangyayari sa payolahan.

Ayon kay Valbuena, may mga sulat, affidavit, at iba pang dokumento na ibinigay sa kaniya at naipasa na umano kay Lopez upang matugunan ang mga isyung kaniyang inilalahad.

Ibinahagi rin ni Valbuena ang kaniyang pangamba kaugnay ng umano’y pagbabanta sa kaniyang buhay. Inihalintulad niya ito sa mga umano’y nangyari noong nakaraan kung saan sinisilid ang isang tao sa drum at sinisemento umano upang hindi na makita ang mga ebidensya. Hinamon niya ang sinumang nagbabalak umano sa kaniya na gawin ito ngayon.

Gayunman, iginiit ni Valbuena na hindi siya natatakot at patuloy lamang niyang sinasabi ang umano’y katotohanan.

Aniya, kawawa umano ang mga taong-bayan, gayundin ang mga turista, drayber, at operator ng mga tourist van na palagi na lamang umanong nahuhuli.

Una nang sinagot na ni PBGen. Glenn G. Dumlao (Ret.), Regional Director ng DOTr-CAR, ang alegasyon ni Mario “Mar” Valbuena Jr., presidente ng transport group na MANIBELA.

Sa panayam ng media, sinabi ni Dumlao na nakalulungkot umano ang naturang alegasyon, lalo na’t anti-corruption din aniya ang kanyang adbokasiya.

Aminado naman si Dumlao na likas na mas madaling maharap sa mga isyu ang isang public servant.

Aniya, bago sana nagsalita si Valbuena, mas mainam kung nag-usap muna sila upang mapag-usapan at ma-fact-find ang naturang isyu. Handa rin umano siyang tumulong dahil pareho naman sila ng adbokasiya.

Ayon kay Dumlao, naging bukas at prangka naman siya sa mga usapin at maaari sanang nagtanong muna si Valbuena upang malaman ang buong katotohanan.

Sinabi rin niyang kung may mga transport group na lumapit at nagpahayag ng kanilang concern, tinatanggap niya ito dahil bahagi umano ito ng kanyang tungkulin.

Hiniling naman ni Dumlao kay Valbuena na maging maayos at mahinahon sa pagpapahayag ng mga alegasyon, dahil hindi umano lahat ng tao ay mabait at maaaring hindi nito alam kung saan hahantong ang kanyang mga sinasabi.

Tinawag din ni Dumlao na mali ang ginagawa ni Valbuena, lalo na sa umano’y patuloy na pagbibitaw nito ng mga masasamang pahayag laban sa kanya.