--Ads--

Kinikilala ang buwan ng Marso sa buong bansa bilang Fire Prevention Month, isang kampanya na naglalayong paalalahanan ang publiko sa kahalagahan ng kaligtasan laban sa sunog. Sa panahong ito, pinaigting ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang kanilang mga programa at aktibidad upang mapalawak ang kaalaman ng mamamayan tungkol sa pag-iwas sa sunog at tamang pagtugon sa oras ng insidente.

Ayon sa mga awtoridad, tumataas ang bilang ng mga insidente ng sunog tuwing Marso dahil sa mas mainit at tuyong panahon. Dahil dito, nagsasagawa ang BFP ng iba’t ibang kampanya tulad ng information drives, fire drills, at seminar sa paaralan, opisina, at komunidad. Layunin ng mga ito na hikayatin ang bawat mamamayan na maging responsable at mapanuri sa paggamit ng kuryente, pagluluto, at iba pang posibleng sanhi ng sunog.

Ayon kay Chief Public Information Fire Superintendent Katherine Albino, nakahanda ang BFP sakaling magkaroon ng insidente. Sa kasalukuyan, may 1,536 personnel sa 81 fire stations sa buong Cordillera. Mayroon ding 129 fire trucks (101 mula sa BFP, 28 mula sa LGUs), 14 ambulansya, at 4 rescue vehicles.

Inaasahan pang madaragdagan ang mga fire truck sa ilalim ng modernization program, na naglalayong magkaroon ng sariling fire station, fire truck, ambulansya, at rescue vehicle ang bawat munisipalidad. Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng BFP Cordillera sa kanilang higher office at LGUs upang mapalakas ang kakayahan sa pagtugon sa mga emergency.

Sa paggunita sa Fire Prevention Month, hinihikayat ang lahat na makiisa sa pagpapanatili ng kaligtasan sa tahanan at kapaligiran. Paalala ng mga awtoridad: ang simpleng pag-iingat at tamang kaalaman ay malaking hakbang upang maiwasan ang sakuna at maprotektahan ang buhay at ari-arian. | via Bombo Jay-an Gabrillo