Pinangunahan ng Matagoan Bodong Consultative Council (MBCC) ang isang Sipat o tradisyunal na peace negotiations sa pagitan ng Guinaang at Balatoc tribes sa Pasil, layuning wakasan ang matagal nang alitan sa hangganan at maibalik ang maayos na relasyon ng dalawang komunidad.
Isinagawa ang sipat noong Lunes, Enero 26, 2026, sa pagitan ni dating board member Arthur M. Abbacan, bilang sipat holder ng Guinaang tribe, at ni Rev. Fr. Albert B. Maiyao, bilang sipat holder ng Balatoc.
Ayon sa MBCC, ang sipat ay unang yugto ng Bodong, ang tradisyunal na kasunduang pangkapayapaan, na nagsisilbing panimulang hakbang sa negosasyon upang maresolba ang alitan ng dalawang tribo.
Ani Miguel Balbin ng MBCC, ang layunin ng negosasyon ay maibalik at maitaguyod ang orihinal na ‘bugis’ o teritoryo ng bawat tribo, at maisama ito sa pamamagitan ng ordinansa na ipapasa ng Sangguniang Bayan ng Pasil.
Nagpahayag ng pag-asa ang mga sipat holders na sa tulong ng reconciliatory effort na ito, tuluyan nang matatapos ang dekadang hidwaan na minsang nauuwi sa marahas na sagupaan.
Dinaluhan at pinanood ang sipat ng Kalinga Police Provincial Office sa pangunguna ni Provincial Director PCOL Gilbert Fati-ig, na buong suporta ang ipinahayag sa tradisyunal na pamamaraan at kinilala ang papel nito sa pagpapaigting ng kapayapaan at kaayusan sa bayan.






