Nilibot ng Police Regional Office Cordillera (PROCOR) sa pangunguna ni Regional Director Police Brigadier General David Peredo Jr. at Deputy Regional Director for Operations Police Colonel Elmer Ragay ang mga pampublikong sementeryo sa Lungsod ng Baguio at lalawigan ng Benguet upang mag-alay ng bulaklak at magbigay-pugay sa mga yumaong pulis.
Kabilang sa mga binisita ni Police Brigadier General Peredo Jr. ay ang Loakan Public Cemetery sa Baguio City, kung saan nakalibing si Police Officer 3 Walner Danao, isa sa mga miyembro ng Special Action Force o SAF 44 na napaslang sa Mamasapano, Maguindanao siyam na taon na ang nakalipas.
Nagtungo rin ang mga matataas na opisyal sa Pyramid Memorial Park sa Buyagan, La Trinidad, Benguet kung saan nakalibing ang isa pang miyembro ng SAF 44 na si Police Officer 2 Peterson Carap.
Samantala, maliban sa mga miyembro ng SAF 44, binisita rin ng mga opisyal ng Police Regional Office Cordillera sa Pyramid Memorial Park ang puntod ni Police Colonel Michael Bawayan Jr., ang Igorot cop na napaslang sa Jolo, Sulu noong Agosto 6, 2021.
Matatandaan na noong hapon ng Agosto 6, 2021, may isinasagawang checkpoint operation sa Barangay Asturias, Jolo, Sulu, nang sitahin ni PCol. Bawayan ang kanyang subordinate na si Staff Sergeant Emran Jilah dahil sa mahaba nitong buhok. Dito, pinagbabaril ni Staff Sergeant Jilah ang kanyang superior na si Police Colonel Bawayan, na nagresulta sa kanyang pagkamatay. Si Police Colonel Bawayan Jr. ang nakaupong Provincial Police Chief ng Sulu Provincial Police Office sa panahong iyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Jeanalynne Bawayan Refraction, kapatid ni Police Colonel Bawayan Jr., inamin niyang kahit tatlong taon na ang nakalipas, nasasayangan pa rin siya sa mga sana’y naging accomplishments ng kanyang kapatid kung buhay ito hanggang ngayon. Kasama ni Jeanalynne ang kanyang bayaw nang bumisita sa puntod ng kanyang kapatid.
Aniya, hindi makakabisita ang asawa ni PCol. Bawayan mula Zamboanga dahil naapektuhan sila ng nagdaang bagyo.
Samantala, ngayong araw ay hindi nasilayan ang presensya ng pamilya ng ibang SAF 44, ngunit inaasahan na bibisita ang mga ito bukas kung magiging maganda ang lagay ng panahon.