BAGUIO CITY – Manageable pa rin ang kapayapaan, kaayusan at seguridad sa lalawigan ng Kalinga, limang linggo bago ang May 2019 midterm elections.
Inihayag ito ni Kalinga Provincial Election Supervisor Atty. Ricardo Lampac sa panayam ng Bombo Radyo Baguio.
Gayunman, sinabi niya na mula sa red category na idineklara ng PNP noong Pebrero ay ipinababa nila sa orange category ang kategorya ng election hospot na Tabuk City.
Sinabi niya na nagsagawa sila ng beripikasyon at dito nakita na hindi masyadong malala ang sitwasyon ng nasabing lungsod sa Kalinga.
Kapalit aniya ay itinaas nila sa red category ang bayan ng Lubuagan dahil sa ilang sightings o nakitang presensia ng mga CPP-NPA terrorists at sa ilang engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at rebeldeng grupo doon noong nakaraang taon.
Umaasa din sila na hindi maisasailalim ang Kalinga sa kontrol ng COMELEC kaya hinigpitan pa nila at ng tropa ng pamahalaan ang pagpapatupad ng mga safety measures para mapanatili ang seguridad sa nasabing lalawigan.
Sa ngayon, sinabi ni Atty. Lampac na payapa pa rin ang sitwasyon sa Kalinga sa kabila ng nangyaring engkwentro sa pagitan ng militar at mga komunistang rebelde sa bayan ng Balbalan noong nakaraang linggo kung saan narekober ng militar ang isang armalite na iniwan ng mga tumakas na rebelde.
Napag-alaman na nasa orange category din ang Balbalan sa ilalim ng election hotspot.
Magsasagawa muli ang Provincial Joint Security Control Center ng assessment para pag-aralan muli ang sitwasyon sa mga bayan sa Kalinga.