BAGUIO CITY – Inihayag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na mula sa 15 korporasyong binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nabigyan ng flood control project, wala ni isa ang nagpatupad ng proyekto sa lungsod ng Baguio dahil wala umano silang kikitain.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Magalong na bagama’t walang flood control project sa lungsod, mayroon naman siyang nakikitang ganitong proyekto sa Cordillera Administrative Region, partikular sa probinsya ng Benguet.
Ayon sa kanya, walang flood control project sa Baguio na pinopondohan ng national government dahil ang mayroon lamang dito ay mga drainage system.
Giit pa ni Magalong na sa mga infrastructure project ng lungsod gaya ng road opening at iba pa, malaki umano ang kinikita ng mga contractor.
Aniya, may mga proyektong may multi-milion fund na ilang taon nang hindi natatapos. Idinagdag pa niya na ilan sa mga ito ay hindi dumaan sa konsultasyon, walang feasibility study, at bigla na lamang itinayo—ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin tapos at mayroon pang nasisira.
Samantala, binanggit din ni Mayor Magalong ang pahayag ni Senador Ping Lacson hinggil sa 67 kongresistang nagsisilbi rin bilang contractor. Aniya, marami sa kanila ang naging contractor bago pa maging kongresista, habang ang ilan ay naging contractor lamang matapos maupo sa puwesto.
Dagdag pa niya, may ilang kongresista ang gumagamit ng pangalan ng kanilang anak, asawa, o kamag-anak para sa mga kontrata, ngunit sa likod nito, sila pa rin ang tunay na contractor.
Pabiro pa niyang sinabi, tila isa nang “qualification” bago maging kongresista ang pagiging contractor.