BAGUIO CITY – Nagulat si Baguio City Mayor Benjamin Magalong nang mapasama ang kanyang pangalan sa mga lumulutang na posibleng tumakbo sa pagkapangulo sa 2028 elections.
Sa panayam sa Bombo Radyo, sinabi ni Magalong na hindi siya umaasang mananalo sa pambansang halalan, lalo na dahil sa kanyang matagal nang paninindigan laban sa katiwalian sa pamahalaan.
Ayon sa kanya, mahirap manalo ang isang kandidatong kilalang crusader laban sa korapsyon dahil marami umanong mga pulitikong sangkot sa katiwalian ang hindi susuporta o mangangampanya, sapagkat mawawala ang kanilang pagkakataong magnakaw o magbulsa ng pondo ng bayan. Inihalintulad niya ito sa umano’y naging karanasan ni Senador Panfilo Lacson.
Sinabi rin ni Magalong na sa ilang survey ay hindi naman inilalabas ang kompletong listahan ng mga pangalan ng mga posibleng iboto, kaya’t maaaring isa ito sa mga dahilan kung bakit naisama ang kanyang pangalan. Aniya, ayos lamang sa kanya ang pagkakasama sa listahan ngunit iginiit na hindi siya hopeful na mananalo.
Inihayag din niya na kung sakaling maging pangulo siya, pananagutin at ipapakulong niya ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno. Aniya, nais niyang makulong ang mga ito sa mga city jail at municipal jail upang maranasan ang hirap ng pagkakabilanggo.
Samantala, nang tanungin kung may plano siyang tumakbo bilang senador, sinabi ni Magalong na iyon ang tanong na ayaw niyang sagutin sa ngayon. Aniya, nakatuon muna siya sa kanyang adbokasiya na hikayatin ang mga Pilipino na pumili ng tamang mga lider, dahil naniniwala siyang isa sa mga pangunahing problema ng bansa ay ang kawalan ng maingat na pagpili ng mga botante sa kanilang mga inihahalal.
