BAGUIO CITY – Tiniyak ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na magpapatuloy ang imbestigasyon sa kontrobersyal na proyekto sa Sitio Ongasan, Loakan sa kabila ng plano ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ipagpatuloy ang konstruksyon nito.
Ang nasabing daan ay magkokonekta patungong Kennon Road para masolusyonan ang trapiko papasok sa lungsod.
Ito ay matapos iulat ng DPWH na mahigit P550 milyon na ang nagastos para sa 3.9-kilometrong proyekto na hanggang ngayon ay hindi pa rin natatapos.
Ayon kay Magalong, ipinaalam sa kanya ni DPWH Secretary Vince Dizon na kinakailangang ipagpatuloy ang proyekto dahil malaki na ang halagang nailaan dito at hindi dapat masayang ang pondong nagastos ng pamahalaan.
Gayunman, iginiit ng alkalde na hindi dapat maging hadlang ang pagpapatuloy ng proyekto sa patuloy na imbestigasyon upang matukoy ang mga posibleng iregularidad at iba pang isyung may kaugnayan sa implementasyon nito.
Binigyang-diin ni Magalong na suportado niya ang pagpapatuloy ng proyekto upang mapakinabangan ang malaking pondong nailaan na rito, ngunit kailangan pa ring tiyakin ang pananagutan at wastong paggamit ng pondo ng bayan.
Samantala, nagpahayag din ng simpatiya si Magalong kay Dizon, na aniya’y nagsisikap na ayusin ang sistema sa DPWH habang hinaharap ang iba’t ibang hamon sa pagpapatupad ng mga pangunahing infrastructure project sa bansa.
Positibo rin ang alkalde sa mas aktibong ugnayan ng lokal na pamahalaan ng Baguio at DPWH Region, kung saan mas madalas na aniya nilang nakakausap ang mga kinatawan ng ahensya upang talakayin ang mga proyekto at pangangailangan ng lungsod. | via Bombo Khey Reparip