KAPANGAN, BENGUET – Patuloy na iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection ang dahilan ng pagkakasunog ng isang two-storey na bahay sa Sitio Proper, Barangay Datakan, Kapangan kamakailan lamang.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni SFO4 Christopher Sinong ng Bureau of Fire Protection (BFP) – Kapangan na nasawi ang isang PWD sa insidente.
Nakilala ang biktima na si Ransom C. Awas, isang senior citizen.
Binanggit ni SFO4 Sinong na ang sunog ay nangyari noong gabi ng Martes, Oktobre 1.
Ayon sa kanya, nakatanggap sila ng tawag pasado alas nuebe ng gabi ukol sa nasusunog na bahay.
Agad na nagresponde ang mga ito, ngunit wala na silang naabutan na pwedeng maisalba.
Napag-alaman na walang kasama ang biktima sa loob ng kanyang bahay noong nangyari ang insidente.
Tinatayang aabot sa P270,000 ang danyos ng naturang sunog.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ni SFO4 Sinong ang mga residente ng Kapangan na huwag iwanan ang mga niluluto at ang mga nakasaksak na appliances.
Idinagdag pa niya na ipacheck sa mga electrician ang linya ng kuryente upang masiguro na ito ay ligtas.
Batay sa datos ng Bureau of Fire Protection – Kapangan, ito ang kauna-unahang insidente ng residential fire na naitala sa nasabing munisipyo ngayong taon.