--Ads--

Nagsisimula nang makarekober ang mga tanim na bulaklak sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon Cordillera ngayong bumubuti na ang lagay ng panahon. Ito’y bunga ng walang humpay na pagsusumikap ng mga flower growers sa rehiyon.


Sa panayam ng Bombo Radyo kay Andy Colte Sr., isa sa mga lider ng Cutflower Industry sa Cordillera, inilahad niyang kahit matinding naapektuhan ng sunud-sunod na bagyo at habagat ang kanilang mga pananim, patuloy naman aniya ang pag-usbong at unti-unting pagbangon ng mga bulaklak, partikular na ang mga rosas at chrysanthemums.


Dagdag pa ni Colte, ginagawa nila ang lahat ng makakaya upang maisalba ang mga tanim, lalo na ang mga nalunod sa baha. Aniya, ginagawa nila ito hindi lamang para makabawi kundi para matustusan din ang pangangailangan ng mga pamilihan sa iba’t ibang panig ng bansa, kabilang na ang Metro Manila.

Sa kasalukuyan, inaalam pa ng mga kinauukulan ang kabuuang danyos sa mga tanim na bulaklak sa bayan ng La Trinidad, Benguet, at sa iba pang mga lugar sa rehiyon.


Matatandaang isa ang lalawigan ng Benguet sa matinding tinamaan ng mga nagdaang bagyo na pinalakas ng habagat, kung saan nalubog sa baha ang maraming tanim na gulay, bulaklak, at maging ang strawberry farm.


Gayunpaman, naglaan naman ng humigit-kumulang 2.5 million pesos na tulong pinansyal ang lokal na pamahalaan ng La Trinidad para sa mga naapektuhang cutflower growers at vegetable farmers sa kanilang bayan.


Kilala ang lalawigan ng Benguet bilang pangunahing nagsusuplay ng mga bulaklak gaya ng gladiola, colored at white calla lilies, shasta daisies, chrysanthemums, anthuriums, statice, baby’s breath, at carnation. Bukod dito, nagtatanim din sila ng aster, milflores, lisianthus, gerbera, at marami pang iba.


Patuloy namang umaasa ang mga flower growers na tuluy-tuloy na ang pagbuti ng panahon upang tuluyang makabawi ang kanilang kabuhayan.