Dumagsa ang mga residente, partikular ang mga first-time voter, sa tanggapan ng Comelec sa Tabuk City sa huling araw ng voter’s registration noong Lunes, Mayo 18.
Kabilang sa mga nagtungo sa tanggapan ang mga bagong botante at mga nais magpalipat ng kanilang rehistro mula sa ibang barangay.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Reyman Solbita, Election Officer ng Comelec- Tabuk City, tinatayang nasa 7,000 aplikasyon ang naitala mula nang magsimula ang voter’s registration noong Oktubre ng nakaraang taon. Kapag naaprubahan ang lahat ng aplikasyon, posibleng umabot sa 77,000 ang kabuuang bilang ng mga rehistradong botante sa lungsod.
Sinabi rin ni Solbita na nananatiling aktibo ang mga opisyal ng Sangguniang Kabataan, lalo na sa pagsasagawa ng clean-up drives at sports festivals. Aminado man siyang may ilang kakulangan sa hanay ng SK officials, nananatili naman umanong maayos ang pamamahala sa mga ito.
Iginiit din ng opisyal na wala namang naitalang problema kaugnay ng paghahanda para sa Barangay at SK Elections sa lungsod.
Dagdag pa niya, mayroon nang suplay ng kuryente at maayos na access road sa lahat ng barangay sa lungsod.
Samantala, pinayuhan ni Solbita ang mga hindi nakapagparehistro na hintayin ang pinal na desisyon ng Kongreso kung matutuloy o hindi ang halalan. Aniya, kung matutuloy ang eleksiyon, sa susunod na taon pa muling magbubukas ang voter’s registration. | via Rhey Reparip










