BAGUIO CITY – Labis ang pagkalungkot ng mga magsasaka sa Cabuyao, Sto. Tomas, Tuba, Benguet dahil unti-unting nalalanta at namamatay ang kanilang mga pananim dahil pa rin sa kakulangan ng tubig.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Glen Catalino, magsasaka mula sa Cabuyao, Sto. Tomas, Tuba, Benguet, sinabi niyang dahil sa pagkasira ng kanilang mga pananim na gulay partikular ang mga carrots, repolyo at patatas ang siyang nagiging dahilan kung bakit nawawalan sila ng gana na ipagpatuloy ang pag-aalaga sa kanilang mga pananim.
Sapagkat, ayon kay Catalino, ito ay inaasahang magreresulta lamang ng pagkalugi sa kanila.
Sa kabilang dako, sinabi ni Catalino na mayroon silang mga water pumps na siyang ginagamit nila upang magkaroon sila ng tubig ngunit hindi ito sapat.
Dahil diyan, nagpapadeliver sila nga tubig mula sa siudad ng Baguio para may gamitin silang pandilig sa kanilang mga pananim.
Pero para sa mga liblib na garden o walang kalsada, ito ay hindi mararating ng mga water delivery.
Umaasa naman ang mga magsasaka na uulan upang may magamit silang tubig na pandilig sa kanilang pananim ng sa ganoon ay hindi maapektuhan ang kanilang kabuhayan.