--Ads--
larawan ng pagbiahe sa bangkay ni Corporal Felimon Naganag (photo CTO)

BAGUIO CITY – Inamin ng Leonardo Pacsi Command ng New People’s Army – Mountain Province na ang mga ito ang nakasagupa ng tropa ng pamahalaan sa boundary ng Besao at Sagada, Mountain Province kahapon.

Ayon sa grupo, ang aktibong depensa ng mga ito ay hakbang nila laban sa pambubulabog ng Oplan Kapanatagan sa Mt. Province.

Ayon sa kanila, nagdudulot lamang ang Oplan Kapanatagan ng matinding takot at gambala sa mga residente sa nasabing lalawigan.

Gayunman, iginiit ng tropa ng pamahalaan na binabaliktad lamang ng mga rebeldeng komunista ang sitwasyon.

Sinabi ng militar na ang mga rebelde ang totoong nagdadala ng takot sa mga mamamayan.

Ang Oplan Kapanatagan ay joint AFP-PNP counter-insurgency program para mawakasan na ang karahasan na ginagawa ng mga komunistang rebelde.

Samantala, patuloy pa rin ang hot pursuit operation ng mga pulis at militar laban sa mga rebeldeng kanilang nakasagupa sa Mt. Province na ikinasawi ng isang sundalo at ikinasugat ng isang pulis.

Nakilala ang nasawi na si Corporal Felimon Naganag, 36-anyos, tubo ng Tabuk City, Kalinga mula sa Special Forces ng Philippine Army habang ang sugatan ay si Patrolman Hebron Awisan ng Regional Mobile Force Batallion 15 ng Police Regional Office Cordillera.

Napag-alamang nagpapatrolya ang mga pulis at militar sa pinangyarihan ng engkwentro ng makasalubong nila ang mga rebelde na agad nagpaulan ng bala ng baril sa mga ito.