Kinukundena ng mga residente ng Itogon, Benguet ang planong pagpapalawak ng pagmimina o ang Sangilo Mines Expansion (APSA103) Project ng Itogon Suyoc Resources, Inc. (ISRI) na matatagpuan sa Barangay Ampucao, Virac, at Barangay Poblacion, Itogon, Benguet.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Myline Dompines-Sabiano, isang residente ng lugar, iginiit niyang hindi sila sang-ayon sa proyekto dahil sa inaasahang negatibong epekto nito sa kanilang kabuhayan, mga kabahayan, simbahan, paaralan, pinagkukunan ng tubig, at iba pang mahahalagang pasilidad sa komunidad.
Ayon kay Dompines-Sabiano, ang proyekto ay nagdudulot ng seryosong banta sa ‘watershed,’ kabuhayan, at kaligtasan ng komunidad—hindi lamang sa kanilang barangay kundi pati sa mga karatig na lugar.
Ipinahayag din niya ang pagkadismaya sa pagpapatuloy ng proyekto sa kabila ng presensya ng mga komunidad at mahahalagang pinagkukunan ng tubig sa lugar.
Dahil dito, patuloy umanong ipinapahayag ng mga residente ang kanilang pagtutol sa proyekto sa pamamagitan ng pagsusulat at pagbabahagi ng kanilang paninindigan sa iba’t ibang social media platforms, gayundin sa pagsasagawa ng mga personal at pampublikong pagkilos.
Bagama’t kinikilala ang mga sinasabing benepisyo ng pagmimina, iginiit ni Dompines-Sabiano na mas marami ang mawawala sa mga residente kaysa sa pakinabang na maidudulot nito. Kinuwestiyon niya kung ano ang silbi ng maayos na kalsada at mataas na paaralan kung masisira naman ang kabuhayan at mawawala ang likas na pinagkukunan ng tubig.
Dagdag pa niya, ang kanilang ipinaglalabang proteksyon sa kasalukuyan ay nagsisilbing proteksyon rin para sa susunod na henerasyon.
Samantala, idinaos kaninang umaga ang public scoping para sa proposed Sangilo Mines Expansion (APSA103) Project ng ISRI bilang bahagi ng mga kinakailangan sa ilalim ng Philippine Environmental Impact Statement (EIS) System para sa aplikasyon ng kumpanya sa Environmental Compliance Certificate (ECC).
Dinaluhan ang naturang aktibidad ng iba’t ibang ahensya mula sa pamahalaang panlalawigan at lokal, kabilang ang MENRO, Engineering Office, Mayor’s Office, IPMR, at iba pang sektor gaya ng mga kinatawan mula sa mga paaralan.
Kasabay ng public scoping, nagsagawa rin ng pampublikong demonstrasyon ang mga residente mula sa Barangay Ampucao at Barangay Poblacion bilang pagtutol sa proyekto, na ayon sa kanila ay may “irreversible impact” sa kapaligiran.





