--Ads--

Kasalukuyang inaalam ng mga ground force kung may mga nasaktan sa nangyaring engkwentro sa Barangay Nagcanasan, Pilar, Abra ngayong araw.

Ito ay matapos makasagupa ng 50th Infantry Batallion ang mga miyembro ng Kilusang Larangang Guerilla (KLG) North-Abra pasado alas onse ng umaga at bandang alas singko ng hapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Army Major Rigor Pamitan, tagapagsalita ng 50th Infantry Batallion, prioridad nila ngayon ang kaligtasan ng mga residente sa naturang lugar.

Ayon sa kanya, nagsagawa ng security operation ang tropa ng Philippine Army matapos nilang makatanggap ng tawag mula sa mga residente ukol sa presensiya ng mga armadong grupo sa Barangay Nagcanasan.

Dito ay naabutan nila ang miyembro ng Kilusang Larangang Guerilla (KLG) North-Abra na nagresulta sa sagupaan ng dalawang panig.

Samantala, temporaryong nailikas ang ilang residente ng Barangay Nagcanasan sa gymnasium ng Barangay Poblacion, Pilar, Abra matapos ang naturang pangyayari para maiwasan ang anumang insidente.

Ayon pa kay Army Major Pamittan, ito na ang panglimang engkwentro sa pagitan ng New People’s Army at ng Philippine Army ngayong taon.

Kaunay nito, hinimok ng nasabing opisyal ang publiko na agad na ipagbigay alam sa kasundaluhan ang presensiya at maling gawain ng mga armadong grupo sa nasasakupang lugar.