BAGUIO CITY – Kinilalang muli ang mga sakripisyo at kabayanihan ng mga beterano mula sa Cordilleras kasabay ng pag-alala sa ika-77 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan ngayong araw.
Isinagawa dito sa Baguio City, partikular sa Veteran’s Park ang isang seremonya na dinaluhan ng tatlo sa mga beterano ng World War II mula sa lungsod, mga opisyal ng lokal na pamahalaan, mga militar at pulis.
Sa talumpati ni Brigadier General Rommel Baccaro mula Armed Forces of the Philippines, kinilala niya ang tatlong mga beterano kasabay ng paghikayat niya sa mga kabataan na gawin nilang inspirasyon ang mga sakripisio at pagmamahal sa bayan na ipinakita ng mga war veterans ng bansa.
Napag-alaman na ang tatlong beterano ay nagmula sa 2nd Battalion ng 66th Infantry sa ilalim ng United States Armed Forces in the Philippines–Northern Luzon.
Pinakamatanda sa mga ito si Private First Class Tuscan Laclac Barian na edad 98 habang si Private Epifanio Beswayan ay edad 96 at si Private Esteban Esco ay edad 94.
Ibinahagi ng mga ito ang mga naging karanasan nila noong ikalawang digmaang pandaigdig.
Ayon kay Barian, isa sa mga pinakamasakit sa kanya ay nang makita niya mismo kung paano binayoneta ang kasama niya na wala siyang nagawa.
Gayunman, hiniling niya sa mga kabataan ang pag-aral ng mga ito ng mabuti sa kasaysayan ng bansa at sa kanilang pagsasakripisyo para sa banyan.