--Ads--

Isinusulong ng pamahalaang lungsod ng Baguio ang isang bagong urban mobility system na naglalayong gawing moderno ang pampublikong transportasyon, partikular ang mga public utility jeepney (PUJ), sa pamamagitan ng paggamit ng mga electric vehicle (EV).

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Mayor Benjamin Magalong, sinabi nitong napag-usapan na nila ang naturang proyekto sa isang pulong kasama ang World Bank.

Kabilang sa mga tampok ng planong sistema ang paggamit ng teknolohiya upang masubaybayan ng mga pasahero ang mga paparating na sasakyan. Sa pamamagitan nito, makikita umano ng mga naghihintay sa mga waiting shed kung ilang minuto bago dumating ang susunod na sasakyan, gayundin kung ilan pang pasahero ang maaari nitong maisakay.

Sa ilalim naman ng panukalang operating system, magkakaroon ng contracting service kung saan bibigyan ng sapat at standardisadong arawang sahod ang mga operator at driver. Layon nitong maiwasan ang kasalukuyang sistema ng boundary na nagiging dahilan umano ng pag-uunahan ng mga driver upang kumita araw-araw.

Bukod dito, sinabi ni Magalong na maaari ring makatanggap ng performance bonus o insentibo ang mga driver at operator kapag naabot nila ang itinakdang target performance indicators (TPIs).

Ayon sa alkalde, mayroon umanong 46 na ruta sa lungsod na kinakailangang isaayos at pagsama-samahin upang maging mas organisado at episyente ang operasyon ng pampublikong transportasyon.

Napili rin umano ang Baguio City ng World Bank bilang isa sa mga pilot city para sa naturang proyekto, kasama ang tatlo pang lungsod.

Bahagi rin ng plano ang pagbabago sa estruktura ng mga transport cooperative upang maging mga enterprise, na inaasahang magpapadali sa pamamahala at magbibigay-daan sa mas maayos na pagsasaayos at pagkonsolida ng mga ruta.

Sa pamamagitan ng panukalang urban mobility system, layon ng pamahalaang lungsod na mapabuti ang serbisyo ng pampublikong transportasyon at makapagbigay ng mas organisado, episyente, at makabagong sistema para sa mga commuter sa Baguio City.