
LA TRINIDAD, BENGUET – Patay ang isang lalaki matapos maibangga ang kanyang motorsiklo sa isang truck sa Puguis, La Trinidad, Benguet, 2:55 pm kanina.
Ayon sa inisyal na report ng La Trinidad Traffic Office, ang Isuzu Elf truck ay galing sa Km5 at patungong Palmaville, Puguis, La Trinidad, Benguet.
Pagdating sa kurbadang kalsada, biglang lumipat sa kaliwang linya ang Suzuki Raider 150 na motorsiklo na minamaneho ng biktima at bumangga sa kaliwang bahagi ng truck.
Sinubukan umano ng truck driver na umiwas ngunit dahil sa bilis ng motorsiklo ay nagkaroon ng banggaan.
Agad isinugod ang biktima sa ospital ng mga rumespondeng tauhan ng BFP La Trinidad sa Benguet General Hospital pero idineklara siyang dead-on-arrival.
Ayon sa doktor, sanhi ng kanyang pagkamatay ay matinding pinsala sa ulo.
Hindi pa isinasapubliko ang pangalan ng biktima na taga-Paniqui, Tarlac habang patuloy na kinokontak ng mga awtoridad ang kanyang pamilya.
Dinala naman sa La Trinidad Police Traffic Office ang truck driver para sa karagdagang imbestigasyon.