Magiging bahagi na ng kasaysayan ng Mt Province ang gaganaping Ms. Universe Philippines 2026 dahil opisyal nang bahagi ang kalahok ng Mt Province sa entablado ng Ms. Universe Philippines sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 74 na taon ng kasaysayan ng patimpalak.
Kakatawan sa lalawigan si Lyneree Wly Montero Yodong, isang Medical Laboratory Scientist at negosyante, na pormal na ipinakilala sa opisyal na presentasyon ng mga delegado na tinatawag na “The Reveal.”
Isang engrandeng parada ang naisagawa kahapon ng hapon sa SM Mall of Asia kung saan personal na nakita ang mga tagahanga ang mga delegado, kasabay narin ng isang pormal na press presentation na ginanap sa City of Dreams Manila.
Naging usap-usapan sa social media ang kauna-unahang Miss Universe Philippines – Mountain Province titleholder noong mga nakaraang araw matapos ang alegasyon ng isang kandidata na nagbenefit umano mula sa “bias” sa loob ng regional pageant organization.
Iniulat na nag-ugat ang isyu sa pahayag ng kapwa beauty queen na si Cristeta Longey noong Pebrero 8, kung saan sinabi niyang may isa nang indibidwal na inihahandang lumahok bilang kinatawan ng Benguet sa pambansang kompetisyon ng Miss Universe Philippines.
Dahil dito, pinili ni Longey na isuko ang kanyang korona at binatikos ang umano’y kakulangan ng transparency ng organisasyon. Bagama’t hindi niya pinangalanan ang tinutukoy na indibidwal, itinuro ng ilang netizen si Yodong, na kalaunan ay naglabas ng mahabang pahayag sa social media upang tugunan ang usapin.
Sa kanyang pahayag, iginiit ni Yodong na wala siyang intensyong agawan ng pagkakataon ang sinuman, at nilinaw na ang kanyang paglahok para sa Mountain Province ay hiwalay sa anumang suporta o sponsor mula sa ibang lalawigan.










