--Ads--

BAGUIO CITY – Irerepresenta ng mga Muay Thai athletes na sina Arman Malhi at Jheter Focasan ang Baguio City sa Cordillera Administrative Region Athletic Association (CARAA) meet sa La Trinidad, Benguet ngayong buwan.

Ang dalawang atleta, parehong 16-taong-gulang at grade 11 students, ay nagkampeon sa Palarong Panglungsod noong nakaraang buwan.

Sa interview sa Bombo Radyo Baguio, inamin ni Jheter na siya’y medyo kinakabahan ngunit determinado na magbigay ng magandang laban sa CARAA, lalo na at marami ang umaasa sa kanyang tagumpay.

Samantala, sinabi ni Arman na walang kaibahan ang CARAA at ang national competition na sinalihan niya. Ayon sa kanya, patuloy nilang binabalanse ang kanilang pag-aaral at pagsasanay upang makamit ang gintong medalya sa nasabing sporting event.

Nagpasalamat din ang dalawa sa kanilang coach na tumulong at nagbigay ng gabay sa kanilang pagsasanay.

Hinikayat din nina Arman at Jheter ang mga kabataan na sumali sa Muay Thai at iba pang sports, dahil dito matututuhan ang disiplina sa sarili, kumpiyansa, at pagpapakumbaba.