BAGUIO CITY-Hindi pabor ang Alliance of Health Workers sa mungkahi ni Department of Health Secretary Dr. Teodoro J. Herbosa na pwede payagan ang mga first year at second year nursing students na magtrabaho sa mga ospital bilang nurse assistants o nurse aides.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Robert Mendoza, National President ng Alliance of Health Workers, hindi ito ang solusyon upang matugunan ang kakulangan sa bilang ng mga health care workers sa bansa.
Binigyang-diin ni Mendoza na hindi dapat hikayatin ang mga nursing students na magtrabaho agad sa halip ay hikayatin ang mga ito na magpokus muna sa kanilang pag-aaral.
Ito ay dahil sa kadahilanang hindi nila tatapusin ang kurso na nursing dahil alam na nila na pwede silang pumasok sa anumang trabaho sa ospital kahit hindi sila degree holder.
Samantala, sang-ayon naman ang Alliance of Health workers sa mungkahi na pwede nang magtrabaho sa mga ospital ang mga nursing graduates bilang nursing assistants at nursing aid kahit hindi pa sila pumasa sa board examination.
Sinasang-ayonan pa ng grupo ang mungkahi na pwede nang magtrabaho ang mga 3rd year nursing students sa hindi kritikal na trabaho sa mga ospital at mag-asikaso ng mga pasyente na may gabay ang mga registered nurses.
Sa kabilang dako, hinihiling ngayon ng Alliance of Health Workers na madagdagan ang scholarship program para sa mga nagnanais na maging health care workers.