BAGUIO CITY – Itinuring ng mga residente sa Bontoc Ili, Bontoc, Mt Province na “answered prayer” ang pagbuhos ng malakas na ulan na may kasamang yelo, ala una ng hapon, kahapon, Marso baente siyete.
Nasiyahan ang mga residente at magsasaka sa ilang bahagi ng Cordillera partikular sa siyudad ng Baguio, probinsiya ng Benguet at Mt. Province dahil ilang buwan rin na naranasan ang tagtuyot o kakulangan ng tubig.
Matatandaan na dahil sa sunod-sunod na forest fire at kakulangan ng tubig na pandilig sa mga pananim ay nagsagawa ang mga matatanda sa Bontoc Ili, Bontoc, Mt. Province ng isang rain-calling ritual na tinatawag na “Manerwap.”
Matapos ang ilang araw na pagsasagawa ng nasabing ritwal ay naranasan ang pag-ulan sa rehiyon kahapon, bagay na tinawag nila itong kasagutan sa kanilang panalangin.
Gayunpaman, naranasan naman ang pagguho ng lupa at bato sa ilang kalsada sa Bontoc, Mt Province.
Dahil dito, nagbabala si Bontoc Mayor Jerome Chagsen Tudlong Jr. sa mga residente at bisita na magbibiyahe ngayong Semana Santa.
Samantala, naitala naman ang ilang insidente ng pagbaha sa mga drainage sa lungsod ng Baguio lalong-lalo na sa City Camp Lagoon na naging dahilan ng pag-apaw ng mga nakaparadang sasakyan.
Ayon sa barangay officials, maraming basura ang bumara sa daluyang ng tubig kaya nagkaroon ng pagbaha.
Kaugnay nito, umapela si Henedina Grande, Barangay Kagawad ng Lower Rock Quarry, Baguio City sa mga residente na maging responsable sa pagtatapon ng mga basura para hindi na maulit ang nangyaring pagbaha.