Nakakatanggap ng iba’t ibang reaksiyon at pambabatikos ang Cabarroguis Municipal Social Welfare and Development Office sa Cabarroguis, Quirino matapos mag-viral ang video ng isang nakaratay na matanda na isinakay sa pasagad upang makuha ang kanyang benepisyo bilang senior citizen.
Makikita sa video na mahirap at lubak-lubak ang daan patungo sa lugar kung saan ipinamamahagi ang mga benepisyo. Ayon sa anak ng senior citizen, inaabot umano ng halos isang oras ang biyahe bago makarating sa nasabing lugar.
Binatikos ng mga netizen ang tanggapan dahil umano sa hindi pagbibigay ng benepisyo sa mismong bahay ng mga nakaratay na nakatatanda. May ilan ding nagsabi na dapat pinapayagan ang mga kamag-anak na kumuha ng benepisyo sa pamamagitan ng authorization bilang kinatawan ng senior citizen.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Geraldine R. Pugong, isang Registered Social Worker ng Cabarroguis Municipal Social Welfare and Development Office, sinabi niyang nagsasagawa umano sila ng door-to-door at house-to-house na pamamahagi ng ayuda, lalo na sa mga senior citizen na nakatira sa malalayong lugar.
Gayunman, salungat ito sa pahayag ng anak ng matanda sa viral video. Ayon sa kanya, wala umanong dumating sa kanilang lugar at wala ring naibigay na tulong mula sa nasabing tanggapan.
Sana sundin ng mga social worker ang mga direktiba na binigay sa kanila, mag door-to-door at house-to-housesila sa pangkalahatan hindi lang sa mga malapit na kalsada, hindi sila maabala na pumunta sa mga liblib na lugar dahil doon naroroon ang mga nangangailangan.
Ito ay dapat magsilbing wake-up call sa Department of Social Welfare and Development at sa mga tanggapan ng Municipal o City Social Welfare para higit pang mapabuti ang mga serbisyong kanilang ibinibigay. | via Bombo Jerwin Aquino






