--Ads--

Narekober ng mga awtoridad ang ninakaw na motorsiklo ng isang 26-anyos na babaeng empleyado ng gobyerno at residente ng Pangasinan.

Ayon sa pulisya, narekober ang motorsiklo sa Barangay Balili, La Trinidad, Benguet.

Batay sa ulat, nakatanggap ang biktima ng mensahe mula sa isang indibidwal na nagsabing nakipagtransaksyon siya sa suspek sa La Trinidad, Benguet. Inilarawan ng indibidwal ang motorsiklo at positibong kinilala ito ng biktima bilang kanya.

Nagtungo ang biktima sa isang gasolinahan sa KM5, La Trinidad, Benguet upang magtanong kung may nakakakilala sa suspek. Ipinakita niya ang larawan ng suspek sa pump attendant, na positibong kinilala ang suspek bilang empleyado ng isang pizza shop.

Nagkataon namang may dumaan na pizza delivery rider upang magpa-gasolina. Tinanong siya ng biktima kung kilala niya ang suspek, at itinuro ng rider ang tinutuluyan ng suspek sa Pico, La Trinidad, Benguet.

Agad nagtungo ang biktima sa lugar at hinarap ang suspek, na umamin kung saan naroroon ang motorsiklo at sinabing ito ay nasa Balili, La Trinidad, Benguet.

Humingi ng tulong ang biktima sa La Trinidad Municipal Police Station, at agad na pinuntahan ng mga pulis ang binanggit na lugar kung saan matagumpay na narekober ang motorsiklo.