Ipinaliwanag ng isang konsehal ng Baguio City ang pagpapalawig ng Market Encounter sa Rose Garden ng Burnham Park nang sampung araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Baguio City Councilor Rocky Aliping, sinabi niyang mapapalawig ang operasyon ng Market Encounter hanggang Enero 29 ngayong taon.
Ayon kay Aliping, nakahanda na ang resolusyon kaugnay ng usapin at pirma na lamang ni Mayor Benjamin Magalong ang hinihintay upang ito ay tuluyang maipatupad.
Ibinahagi rin ng opisyal na ang mga kita mula sa walong araw na operasyon ay ilalaan sa pagpapaganda at pagsuporta sa mga proyekto tulad ng Adopt-a-Park sa Otok Building na matatagpuan sa harap ng President Fidel V. Ramos Gymnasium.
Dagdag pa niya, matapos ang Market Encounter ay pamamahalaan naman ng Baguio Flower Festival Foundation, Inc. (BFFFI) ang lugar upang gawing Trade Fair kaugnay ng nalalapit na Panagbenga Festival.
Pagkatapos ng Panagbenga Festival, inaasahan ding gaganapin sa Rose Garden ang iba pang aktibidad tulad ng Montanosa Film Festival, International Food Fair, at iba pang mga programa.
Samantala, nagulat umano si Mayor Magalong sa pagdaragdag ng mga chalet o Christmas market sa Rose Garden kahit na pormal nang isinara ang programa noong Linggo. Ayon sa kanya, hindi ito naipagbigay-alam o nakonsulta sa tanggapan ng alkalde.
Binigyang-diin ng opisyal na mahalagang maabisuhan at mabigyan ng kaukulang impormasyon ang opisina ng alkalde hinggil sa mga ganitong usapin. | via Bombo Jay-an Gabrillo









