--Ads--

TUBA, BENGUET | Agosto 24, 2025 – Matinding batikos ang binitiwan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa dalawang proyektong pang-imprastraktura sa Kennon Road na kanyang tinawag na overpriced at substandard.

Una niyang tinukoy ang ₱114-milyong rock netting project na natapos pa noong 2018–2019. Ayon sa Pangulo, sa halip na magbigay-proteksyon laban sa landslide, mas nagdulot pa ito ng panganib sa mga motorista at residente.

Binusisi rin ng Pangulo ang ₱260-milyong rock shed project sa Camp 6 na ilang buwan pa lamang matapos itayo ay nagkaroon na ng pinsala, dahilan upang isara ang bahagi ng kalsada. Aniya, malinaw na kapwa walang saysay ang dalawang proyekto at nagresulta lamang sa pag-aaksaya ng pondo ng bayan.

Dagdag ng Pangulo, hindi niya palalagpasin ang ganitong uri ng kapabayaan at katiwalian. Giit niya, sisiguruhin niyang maitatama ang mga problematikong proyekto bago siya bumaba sa puwesto upang hindi na maisugal pa ang buhay at kabuhayan ng mga Pilipino.