--Ads--

BAGUIO CITY – Mariing iniimbestigahan ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency – Cordillera kung konektado sa isang sindikato ang dalawang lalaking naaresto sa isang buy-bust operation sa bahagi ng Burnham-Legarda, Baguio City, kung saan nasamsam ang tinatayang P2.5 milyong halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Rosel G. Sarmiento, Public Information Officer ng Philippine Drug Enforcement Agency – Cordillera , sinabi nitong inaalam pa ng kanilang mga operatiba kung may kaugnayan sa mas malawak na grupo ang mga suspek na maaaring patuloy ang operasyon sa Cordillera at maging sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

Kinilala ang mga suspek na isang 43-anyos na lalaki mula sa Bakun, Benguet at isang 53-anyos na lalaki mula sa Cabanatuan, Nueva Ecija.

Ayon kay Sarmiento, narekober mula sa mga ito ang 20 piraso ng marijuana brick at isang elongated form ng pinatuyong dahon ng marijuana matapos makipagtransaksyon sa isang undercover agent. Inilagay ng mga suspek ang marijuana sa dalawang bag upang hindi pagdudahan.

Lumabas rin sa inisyal na imbestigasyon ng PDEA na galing sa lalawigan ng Benguet ang mga nakumpiskang marijuana. Dagdag ni Sarmiento, matagal nang minamanmanan ng kanilang ahensya ang mga kilos ng dalawang suspek.

Isa pa sa mga nadiskubre ng PDEA — dati nang naaresto ang suspek mula Cabanatuan, at ito na ang ikalawang pagkakataon na ito’y nasakote dahil sa iligal na droga. Inamin ng suspek na ito umano ang kanyang pangunahing pinagkakakitaan.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa tanggapan ng PDEA-Cordillera at mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, muling hinikayat ni Sarmiento ang publiko na makipagtulungan sa kampanya laban sa iligal na droga at agad na ireport ang mga pinaghihinalaang sangkot sa paggamit o pagtutulak nito.