BAGUIO CITY – Ipinaliwanag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na ang P250 congestion fee para sa mga pribadong sasakyan at mga bisita na may sariling sasakyan na papasok sa central business district ay isang mungkahi lamang.
Ito ay matapos umani ng samu’t saring batikos ang lokal na gobyerno mula sa publiko at mga bisita.
Kabilang sa mga komento ay huwag na lamang silang aakyat sa Baguio City o di kaya naman ay isara na lamang ang lungsod kung sisingil lang din sila ng P250 na congestion fee.
Binigyang-diin naman ni Mayor Magalong na hindi pa ito pinal at hindi pa ito ipapatupad dahil hihingin pa ang pananaw ng publiko at mga stakeholders at dadaan pa ito sa maraming proseso at pag-aaral.
Inihayag ni Magalong na marami ang hindi nakaintindi sa unang impormasyon kung saan inakala ng ilan na maniningil na ang lokal na pamahalaan ng Baguio ng congestion fee sa mga pribadong sasakyan at mga bisita na may sariling sasakyan na papasok sa central business district.
Tiniyak ng nasabing opisyal na magbibigay sila ng iba pang option o mungkahi kung hindi ito magugustuhan ng publiko.
Ang congestion fee ay bahagi ng proposed Smart Urban Mobility Project na kasalukuyang pinag-aaralan ng lokal na pamahalaan na may layuning mabawasan ang mahaba at mabigat na daloy ng trapiko sa City of Pines.
Ipinapatupad na ito sa ibat-ibang bansa kabilang na ang Singapore, London, at New York bilang solusyon sa mabigat na daloy ng trapiko.