TUBA, BENGUET – Nadiskobre ng mga awtoridad ang P72-million na halaga ng illegal cannabis plantation na nakatago sa isang bundok sa kahabaan ng Kennon Road sa Sitio Sangilo, Camp 4, Tuba, Benguet kamakailan lamang.
Nadiskobre ang nasabing plantasyon matapos masabat ng mga awtoridad ang 60 kilo ng marijuana na nagkakahalaga ng P7.2-million noong Marso 20 na pinaghihinalaang galing sa Kibungan, Benguet pero ito ay galing pala sa Sitio Sangilo, Camp 4, Tuba, Benguet.
Sa pamamagitan ng nagsanib pwersa ng mga anti-narcotics mula Tuba Municipal Police Station, Provincial Drug Enforcement Unit ng Benguet Police Provincial Office, Philippine Drug Enforcement Agency-Benguet at mga agent ng National Bureau of Investigation-Cordillera, tatlong oras nilang inakyat ang bundok patungo sa lokasyon ng marijuana plantation.
Nasamsam ang 600 kilo ng pinapatuyong marijuana na naka-bundle sa labing dalawang malalaking sako.
Samantala, hindi naman binanggit ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng apat na magsasaka na kanilang nahuli.
Ayon naman sa hindi na pinangalanang may-ari ng lupa, isang grupo mula Kibungan, Benguet ang umupa ng kanyang lupain ngunit hindi niya alam na pinagtatamnan pala nila ito ng marijuana.
Tiniyak naman ng mga awtoridad na makikipagtulungan ang may-ari ng lupa para maging state witness laban sa apat na magsasaka na mahaharap sa kaso na may kaugnayan sa iligal na droga partikular ang pagtatanim ng ipinagbabawal na marijuana.