BAGUIO CITY- Matagumpay ang unang commercial flight sa pagbubukas ng Loakan Airport dito sa Summer Capital of the Philippines ngayong araw.
Ito ang unang operasyon ng nasabing paliparan matapos ang tatlumpot- taong pagsasara nito dahil sa usapin ng kaligtasan.
Aabot sa walomput-apat na pasahero mula Cebu ang lulan ng Eroplano na lumapag sa Loakan Airpot kaninang umaga, matapos lamang ang halos dalawang oras na biyahe.
Sinaksihan ito ng mga opisyales ng lungsod ng Baguio, Baguio Tourism Council, at ni DOT Undersecretary Mae Elaine T. Bathan.
Sa mensahe ni Mayor Benjamin Magalong, sinabi nito na ang pagbubukas ng commercial flight sa Loakan Airport ay makakatulong sa economic recovery at turismo ng lungsod.
Ayon naman kay Philippine Airlines (PAL) Chief Operations Officer Capt. Stanley Ng, ang pagbubukas ng nasabing paliparan ay makapagbibigay ng direktang koneksyon para sa economic activity, easy access para sa mga negosyante, turista at mga residente mula Northern Luzon hanggang Visayas.
Nasiyahan naman ang isang turista mula South Africa na kabilang sa mga pasahero na sumakay sa unang commercial flight patungo dito sa syudad.
Samantala, ang gagamtin ng Philippine Airlines na eroplano para sa commercial flight sa City of Pines ay Q-400 bombardier aircraft na may 85 seating capacity at may apat na scheduled flight kada linggo sa rutang Baguio-cebu at vice versa.